Search

Gamot Sa Kulani: Mga Dapat Mong Malaman Tungkol Sa Namamagang Kulani

Gamot Sa Kulani: Mga Dapat Mong Malaman Tungkol Sa Namamagang Kulani

May nakakapa ka bang bukol sa may leeg o balakang mo? Natatakot ka dahil sa bigla na lamang ang paglitaw at pagkawala nito? Huwag ka munang mag-panic, baka kulani ang mga bukol na nakakapa mo. Ang artikulong ito ay sasagot sa pangunahing mga katanungan tungkol sa kulani:

  • Ano ang kulani?
  • Ano ang mga dahilan kung bakit namamaga ang kulani?
  • Ano ang gamot sa namamagang kulani?
  • Gaano katagal bago mawala ang kulani?

Ano ang kulani?

Bago ang lahat, ang kulani ay hindi sakit, bagkus, ito ay hugis beans na mga glandula na nakakalat sa buong katawan. Ang mga kulani ay bahagi ng isang sistema na kung tawagin ay lymph system, na nagdadala ng mga likido, nutrients at mga dumi sa dugo.

Ang sistemang ito ay mahalagang bahagi ng immune system, na dumidipensa sa katawan laban sa mga sakit. Ang mga kulani ay sumasala sa mga likido habang dumaraan ito sa isang maslimuot na sistema ng mga kulani na hinaharang ang mga mikrobyo tilad ng mga virus, bakteria at iba pa na pinapatay ng mga white blood cells o lymphocytes.

Ang kulani ay maaaring nagiisa o nakagrupo, minsan ay singliit ng aspili o singlaki ng holen. Ang kulani ay maaaring makapa sa leeg, balakang o kilikili. Kadalasan, ang kulani ay hindi masakit at hindi rin nakakapa.

Ano ang dahilan ng namamagang kulani?

Ang kulani sa isang bahagi ng katawan ay kadalasang namamaga kung may iregularidad na nagyayari malapit dito. Ang mga problemang tulad ng matinding sugat, impeksyon o tumor na tumutubo malapit sa kulani ay siyang dahilan kung bakit ito namamaga.

Ang pagsusuri kung alin kulani ang namamaga ay makatutulong saiyo na matukoy ang problema.

  • Ang mga glandulang matatagpuan sa gilid ng tainga, sa ilalim ng panga, o sa likod ng tainga ay kadalasang namamaga kung ikaw ay may lagnat at namamagang lalamunan. Ang mga kulani ding ito ay mamaga kung magkaroon ka ng sugat o kagat malapit sa mga glandulang ito o kung may tumor o impeksyon na namumuo sa bibig, ulo, o leeg.
  • Ang kulani sa kilikili ay namamaga dahil sa sugat o impeksyon sa mga braso o kamay. Ang ilan sa bihirang dahilan ng pamamaga ay ang cancer sa suso o lymphoma.
  • Ang kulani sa may balakang ay namamaga dahil sa impeksyon sa paa o sa ari, ilang bibihirang dahilan ay ang cancer sa bayag, lymphoma at melanoma.
  • Ang mga kulani na matatagpuan sa may leeg ay mamaga kung may impeksyon o tumor na tumutubo sa mga bahagi ng tawan na tulad ng baga, suso, leeg o tiyan.

May mga pagkakataon na ang kulani sa dalawang magkahiwalay na bahagi sa katawan ay magkasabay na namamaga. Ano baa ng ibig sabihin nito? May dahilan ba para mabahala?

Kung ang dalawa o higit pang bilang ng mga kulani ay magkakasabay na mamaga, ito ay tinatawag na generalized lymphadenopathy.

Ito ay maaaring dahil sa mga sumusunod na medikal na sitwasyon.

  • Pagkakaroon ng sakit na dala ng virus tulad ng tigdas, rubella, o beke
  • Pagkakaroong ng sakit na dala ng bakteria tulad ng pamamaga ng lalamunan
  • Side effect ng pagpapaturok ng isang partikular na bakuna
  • Pagkakaroon ng cancer, tulad ng leukemia
  • Pagkakaroon ng AIDS o acquired immunodeficiency syndrome na nakukuha sa immoral na pakikipagtalik sa hindi asawa. Ang sakit na ito ay umaatake sa immune system ng pasyente, na ginagawang napakahirap para sa iyong katawan na labanan ang mga sakit.
  • Pagkakaroon ng sakit sa syphilis, isang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik

Ano ang gamot sa kulani?

Tulad ng nabanggit na natin, ang kulani ay hindi sakit. Ito ay isang mahalagang bahagi ng katawan na tumutulong para sugpuin ang mga impeksyon na maaaring dumapo sa atin. Ang pamamaga ng kulani ay isang sintomas ng isang mas seryosong medikal na kalagayan kaya ang paggamot sa namamagang kulani ay naka sentro sa paggamot sa pinakasanhi ng pamamaga ng kulani.

Halimbawa, kung ang pamamaga ay dulot ng bakteriya, ito ay maaaring gamutin ng antibaktirya. Kung ito naman ay sanhi ng impeksyon na dala ng virus, ito ay inaaasahang aalis ng kusa pagkaraan ng ilang araw. Kung cancer ang hinihinalang dahilan ng pamamaga ng kulani, ang biopsy ay maaaring isagaw ng mga doktor para makumpirma ang iyong hinala.

Hanggang kalian mananatiling namamaga ang kulani?

Ang namamagang kulani ay mananatiling namamaga hanggang sa mawala na ang impeksyon. Ito ay babalik sa dating hugis at laki sa loob ng ilang araw o linggo.

Ang alin mang kulani na hindi bumalik sa normal na sukat at hugis sa loob ng isang buwan ay dapat na ipatingin sa doktor.

Please share this page with your friends!

KATULAD NA MGA ARTIKULO