Search

Ano ang mga Dahilan ng Pananakit ng Puson?

Ano ang mga Dahilan ng Pananakit ng Puson?

Karamihan sa mga kababaihan ay nakararanas ng pananakit ng puson panapanahon. Ito ay maaaring dahil sa kanilang buwanang dalaw o regla.

Sa kadalasan, mahirap na maunawaan kung ano talaga ang pinakangdahilan ng pananakit ng puson, subalit ang pagkakaalam ng impormasyon ay makakatulong sa iyong doktor na matumbok ang dahilan ng iyong sakit.

Ang pangunahin at pangkaraniwang sanhi ng masakit na puson ay ang mga sakit sa daanan ng ihi, tulad problema sa kidney o pantog. Pwede rin namang ito ay dahil sa problema sa sistemang reproductive, tulad ng sa matris, fallopian tube at mga obaryo.

Ang impeksyon sa daanan ng ihi ay pangkaraniwan at ito ay nagpapakita ng mga sintomas, tulad nang mahapdi at mas madalas na pag-ihi.

Ang impeksyon ay maaaring kumalat sa mga kidney, na maaaring magparamdam sa iyo ng pananakit at mataas na lagnat na may kasamang pananakit ng likod.

Kung masakit ang puson mo at ang sakit ay kumakalat galing sa likod hanggang sa balakang at ang sakit ay malala, ang iyong doktor ay maaaring mag-isip na ikaw ay may sakit sa kidney. Susuriin ng doktor ang iyong ihi para sa mga sintomas may kaugnayan sa bato sa bato.

Kung mapansin mong may dugo sa ihi mo, huwag mong kalilimutan na sabihin iyan sa doktor, sapagkat kailangan niyang malaman kung saan nanggagaling ang dugo.

Ang pagkakaroon ng tumor sa iyong sistema ng pag-ihi ay hindi pangkaraniwan kaya titingnan at aalamin ng doktor kung kailan pa nagsimula ang mga sintomas tulad ng pananakit ng puson.

Pananakit ng puson dahil sa problema sa panunaw

Ang sakit na nagmumula sa bituka ay isa pang pangakaraniwang dahilan ng pananakit ng puson kapwa sa mga babae at lalaki. Ang mga sintomas ng pananakit ng puson na sanhi ng problema sa panunanaw ay ang mga sumusunod:

  • Sakit na kaugnay ng pagdumi
  • Mga pagbabago sa mga kaugalian sa pagdumi
  • Pagdurugo kapag dumudumi
  • Pagkakaroon ng kabag
  • Pagtatae
  • Kahirapan sa pagdumi

Ang sakit sa puson na dala ng problema sa panunaw ay kadalasang humihilab. Ang sakit sa puson na dala ng problema sa panunaw ay kadalasang humihilab. Ibig sabihin, ang sakit ay nawawala at bumabalik na parang alon. Ang masakit na tiyan dahil sa dumi ay nawawala kapag ikaw nakapagdumi na. Ang sanhi ng ganitong uri ng pananakit ng puson ay ang irritable bowel syndrome, na maaaring magdala ng pagtatae o kahirapan sa pagdumi at kabag. Kung minsan, ang pananakit ng puson ay sintomas din ng colon cancer.

Ang kabag at pamamaga ay isa ring pangkaraniwang sintomas na nararamdaman ng mga taong may problema sa pagdumi.

Kung mapansin mong may dugo sa dumi mo o kaya naman ang dumi mo ay kulay itim, kailangan mong sabihin ito sa doktor. Ang mga sintomas na ito ay nangangailangan ng wastong atensyon.

Masakit na puson dahil sa problema sa reproductive system

Ang sakit ay maaaring manggaling sa matris, fallopian tube o mga obaryo. Ito ay maaaring maramdaman sa gitna ng puson.

Ang sakit na mas nararamdaman sa may tagiliran ay maaaring galing sa obaryo.

Ang pananakit na galing sa matris ay kadalasang matindi kapag ikaw ay may regla. Ito ay tinatawag na dysmenorrhoea.

Ang ilan sa mga kondisyon na nakakaapekto sa sistemang reproductive ay maaari ring magdulot ng sakit habang nakikipagtalik. Ito ay tinatawag na dyspareunia at mahalaga na malaman ng doktor kung pinahihirapan ka nito.

Halimbawa ng mga kundisyong nakakaapekto sa reproductive organs ay ang endometriosis, mayoma, pelvic inflammatory disease, cyst sa obaryo at mga problema na kaugnay sa unang yugto ng pagbubuntis tulad ng pagkalaglag o pagbubuntis na ectopic.

Ano ang gagawin ng doktor?

Ang doktor ay magtatanong tungkol sa iyong regla, pag ihi at pagdumi. Maghahanap din siya ng mga sintomas tulad ng lagnat, pagkahilo at pagsusuka.

Kung angkop sa kalagayan, magtatanong din ang doktor tungkol sa emosyonal na buhay pampamilya, bahay, hanapbuhay, at sex life.

Sunod ay susuriin ka ng doktor. Titingnan niya ang iyong tiyan at ang loob nito sa pamamagitan ng vaginal o rectal exam o pareho, kung kinakailangan.

Kadalasan, hihingi ang doktor ng sample ng iyong ihi, na susuriin para sa impeksyon.

Kung meron ka ng mga sintomas tulad ng discharge sa pwerta o iba pang kaugnay na mga palatandaan, maaaring kumuha ang doktor ng swab sa pwerta mo.

Depende sa mga sintomas at haba nito, ang iyong doktor ay maaaring magdisisyon na magsaayos ng iba pang mga pagsusuri.

Gamot sa pananakit ng puson

May mga magagawa ka para maibsan ang pananakit ng iyong puson. Halimbawa, pwede kang gumawa ng hot compress. Pwede mo rin itong gawin sa pamamagitan ng hot water bottle. Ang init ay makatutulong na maibsan ang stress na nasa mga kalamnan na kung minsan ay siyang sanhi ng masakit na sikmura. Kaya kung nararamdaman mong humihilab ang iyong tiyan ang init ng hot water compress o bottle ay makakatulong na makalma ang iyong sitwasyon.

Maghanap ka ng lugar na pwede kang komportableng mahiga habang ipinapatong ang compress sa tiyan mo. Dapat tama lamang ang init ng compress, subalit siguraduhin na mainit talaga ito. Gawin ito sa loob ng 15 minuto o hanggang sa kailangan mo pa. Lagyan uli ng mainit na tubig ang compress o ang bote kung kinakailangan.

Alam mo ba na ang luya ay lunas din sa masakit ang puson? Oo, ang luya ay may taglay na gingerols at shogaols. Ang mga sangkap na ito ay makakatulong para marelax ang mga kalamnan lalo na kung ito ay tensiyonado. Lunas ito kabag humihilab ang iyong puson. Ang luya ay nakatutulong din na maibsan ang pagkahilo na maaaring kasama ng masakit na puson. Ang pag higop ng mainit na salabat ay napatunayang mainam na first aid sa pananakit ng puson.

Hugasan, balatan at gayatin ang 2 pulgada ng sariwang luya. Magpakulo ng 2 tasa ng tubig at ihalo ang luya. Pakuluan sa loob ng tatlong minuto at hayaan sa loob ng dalawang minuto. Alisin sa init, salain at lagyan ng asukal o honey. Dahan dahang inumin at mag relax.

Tandaan: mahalagang magpatingin agad sa doktor kung nakakaranas ng pananakit ng puson ngunit hindi mo maipaliwanag kun saan nanggagaling ang sakit.

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?

Ano ang mga Dahilan ng Pananakit ng Puson?
4.3 (86.09%) 23 votes