Search

Sintomas at Gamot sa Iba’t ibang Uri ng Sakit sa Balat

Sintomas at Gamot sa Iba’t ibang Uri ng Sakit sa Balat

Ang artikulong ito ay tatalakay sa iba’t ibang uri ng sakit sa balat na madalas na makaapekto sa mga Pinoy.

Fungi ang karaniwang sanhi ng sakit sa balat na nakukuha ng mga Pinoy. Bagaman ang pagkakaroon ng sakit sa balat ay hindi nangangahulugan na ang taong nagkaroon nito ay hindi malinis sa pangangatawan, ang araw araw na pagpaligo at paggamit ng mahusay na sabon ay nakakatulong ng malaki para makaiwas sa mga sakit sa balat, lalo na kung ito ay sanhi ng fungi.

Narito ang ilan sa mga sakit sa balat na dapat mong tandaan o iwasan:

Alipunga o athlete’s foot

Ang alipunga o athletes foot ay isang pangkaraniwang impeksyon sa paa na sanhi ng fungi na nabubuhay sa mga patay na tissue ng buhok, kuko at balat. Ang alipunga ay naipapasa sa pamamagitan ng pagdikit sa balat na may impeksyon, lalo na kung ito ay nasa paa. Ang alipunga ay mas pangkaraniwan sa mga lalaki magmula pagbibinata hanggang sa mga edad 50.

Narito ang ilan sa mga sintomas ng sakit sa balat na alipunga:

  • Walang patid na pagkati ng balat sa may talampakan o sa pagitan ng mga daliri, lalo na sa ikaapat o ikalimang daliri ng paa
  • Paglambot ng balat sa gitna ng lugar na may impeksyon. Ang apektadong bahagi ay namamaga at mas sensitibo
  • Ang gilid ng balat na may alipunga ay mamumuti ay mag-uumpisang mag balat
  • Ang balat na may alipunga ay mamasa-masa

Barber’s itch o Tinea barbae

Ang barber’s itch ay isang uri ng impeksyon sa balat na tinutubuan ng bigote at balbas. Ito ay mas madalas na tumubo sa mga lalaking adulto. Ito ay pangkaraniwan sa mga magsasaka na nakikihalubilo sa mga hayop na meron nito. Bibihira itong maipasa ng tao sa kapwa tao.

Ano ang sintomas ng barber’s itch? Tingnan kun meron ka ng mga sumusunod na mga palatandaan ng sakit sa balat:

  • Pagkakaroon ng mala-balakubak na pagbabalat sa apektadong bahagi
  • Pagkakaputol o paglalagas ng mga balahibo sa apektadong bahagi
  • Pagkakaroon ng pamumula sa balat na kung minsan ay may kasamang nana sa baba, mga pisngi o sa leeg

Hadhad o jock itch

Ang hadhad ay mas madalas na tumubo sa mga lalaking adulto. Kung minsan, nagkakaroon ng hadhad ang mga lalaking may alipunga o buni. Ang fungus na sanhi ng hadhad ay nabubuhay sa mainit at mamasa-masang bahagi ng katawan. Ang hadhad ay lumalala kapag ikaw ay nagsusuot ng makakapal at masisikip na mga damit o pantalon, dahilan para magasgas ang iyong singit. Ito rin ay lumalala kapag ang singit ay palaging basa dahil sa sobra o madalas na pagpapawis. Ang hadhad ay naipapasa sa pamamagitan ng pagdikit sa balat na impeksyon o kaya ay pagsusuot ng damit na hindi linalabhan. Ang hadhad ay pwedeng tumama sa mga singit hanggang sa puwet na pwedeng pagmulan ng pangangati at pagiging hindi komportable.

Mga sintomas ng sakit sa balat na hadhad:

  • Pangangati o mahapding pakiramdam sa singit, balakang o puwet
  • Pamumula ng singit, balakang o puwet
  • Pagbabalat o pag bibiyak ng balat

Impeksyon sa kuko

Ang impeksyon sa kuko ay sanhi ng fungi na kumakain ng mga kuko sa paa o kamay pati na sa balat sa ilalim nito. Ang fungus na ito ay pwede mong makuha sa pamamagitan ng paglalakad ng walang sapin sa paa sa mga pampublikong lugar. Ang mga may edad na, mga taong may diabetes o mahinang sirkulasyon ng dugo ang mas posibleng magkaroon ng impeksyon sa kuko.

Mga sintomas ng impeksyon sa kuko:

  • Puti o madilaw na guhit sa isang banda ng kuko
  • Pangangaliskis sa ilalim ng kuko
  • Pangangaliskis sa ibabaw ng kuko
  • Pinsalang tulad half-moon o tuluyang pagkasira ng kuko

Buni sa anit o Tinea capitis

Ang buni sa anit ay ang tawag sa mga impeksyon sa anit na sanhi ng fungus. Ito ay karaniwan kapwa sa mga lalaki at babae na may edad talto hanggang pitong taong gulang. Ang buni sa anit ay mas madalas sa mga taong nakatira sa lugar na siksikan. Ang fungus na sanhi ng sakit na ito ay kumakapit sa suklay, damit, tuwalya at mga upuan. Ang spores ng fungus na ito ay matagal mamatay at maaaring dumapo sa mga tao kahit ilang buwan na ang nakakaraan.

An-an o white spots

Ang an-an ay isang sakit sa balat na dulot ng yeasy infection. Kapag ang balat ay oily, mainit o mamasa-masa, ang yeast ay nagsisimulang mamuhay dito ay magparami bilang mga colonies. Ang mga kolonyang ito ay nagpapalabas ng asido na parang bleach ang epekto na may kakayahang pbaguhin ang kulay ng balat mo, magmula reddish brown hanggang sa puti, depende sa kulay ng balat ng pasyente. Ang an-an ay kadalasang tumutubo sa mga balat sa likod, kili-kili, mga braso, dibdib at leeg. Ang an-an ay mas madalas sa mga lugar na mainit ang klima dahil sa ang mga tao dito ay madalas na pagpawisan.

Gamot sa ibat ibang uri ng sakit sa balat

Ano ang lunas sa ibat ibang uri ng sakit sa balat? Ang sagot ay depende sa kung anong uri ng sakit sa balata ng dumapo saiyo.

Pag-usapan natin ang lunas sa ibat ibang uri ng sakit sa balat:

Alipunga:

  • Panatilihing tuyo at malinis ang mga paa, lalo na ang mga pagitan ng mga daliri
  • Magsuot ng medyas na gawa sa absorbent na mga materyales, magpalit ng medyas araw araw
  • Magsuot ng tsinelas o botas kapag naglalakad sa mga pampublikong paliguan. Kung ang panahon ay mainit o maalinsangan, huwag munang magsuot ng sapin sa paa. Huwag magsusuot ng masikip na sapatos
  • Patuyuin ang sapatos sa gabi. Kung posible, bumili ng pamalit nang hindi mo inaaraw araw ang paborito mong sapatos.

Hadhad:

  • Tulad ng iba pang uri ng mga sakit sa balat, kailangan mong maligo araw araw, pagkatapos mag ehersisyo, o matapos pagpawisan
  • Mas madalas na maghugas ng kamay para makaiwas sa impeksyon
  • Patuyuin ang singit gamit ang malinis na tuwalya pagkatapos maligo. Maglagay ng pulbos sa singit para maalis ang sobrang moisture sa balat
  • Maglaba ng damit araw araw. Iwasan ang pagsusuot ng makakapal na dapat sa loob ng mahahabang oras lalo na kung maalinsangan ang panahon
  • Huwag manghihiram o ipapahiram ang personal na mga gamit

Impeksyon sa kuko

  • Panatilihing malinis at tuyo ang mga kuko, magpalit ng sapatos at medyas araw araw
  • Magsuot ng medyas na gawa sa absorbent na mga materyales
  • Linisin ang mga gamit sa paglinis at pagpapaganda ng kuko. Huwag munang mag kulay ng kuko kung ito ay may impeksyon

Ang mga nabanggit ay hindi sapat para gumaling ka sa ibat ibang uri ng sakit sa balat. Kailangan mo paring sumangguni sa doktor para mabigyan ka ng tamang pamatay fungus na bagay saiyo. Pwede ka ring magtanong sa pinakamalapit na botika kung ano ang gamot sa iyong sakit sa balat.

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?

Sintomas at Gamot sa Iba’t ibang Uri ng Sakit sa Balat
3 (60%) 1 vote