Search

Iba’t ibang Mga Uri ng Sakit sa Tenga na Karaniwan sa Mga Pinoy

Iba’t ibang Mga Uri ng Sakit sa Tenga na Karaniwan sa Mga Pinoy

Karamihan sa mga tao ay makakaranas na magkasakit sa tenga sa buong buhay nila. Maaaring nanigas na tutuli, pananakit o umuugong na tenga. Kahit ano pa man ang iba’t ibang uri ng sakit sa tenga ang maaaring dumapo saiyo, mahalagang may nalalaman ka kung ano ang dapat mong gawin sa mga sitwasyong ito.

Ang tatlo sa pinaka pangkaraniwan sa mga uri ng sakit sa tenga ay ang nanigas na tutuli, swimmer’s ear, at luga. Pag uusapan din natin ang mga gamot sa sakit sa tenga na nabanggit.

Earwax o tutuli

Isa sa pangkaraniwang mga uri ng sakit sa tenga ay ang nanigas na tutuli. Lahat ng tao ay ipinanganak na may alinman sa dalawang uri ng earwax o tutuli. Ang tenga mo ba ay may tuyo maputing tutuli, o ikaw ba ay may malapot, basa at yellow orange na tutuli. Ang pagkakaroon ng alin man sa dalawang uri ay namamana natin sa ating mga magulang.

Ang tutuli ay dinisenyo para protektahan ang mga eardrum laban sa alikabok at dumi. Sa normal na kalagayan, nagagawa ng tutuli ang gawain nitong salain ang anumang dumi at kusa na lamang ito lumalabas kung ito ay tuyo na. Panapanahon, may mga bagong tutuli na namumuo sa ilalim ng ear canal.

Gayunman sa ilang mga kalagayan, ang tutuli ay maaaring magkumpol-kumpol ay maging sanhi ng pagkabingi. Ang dahilan? Kung minsan, may mga taong mahilig maglinis ng tenga gamit ang cotton buds. Pero imbes na ito ay makalinis, kung minsan ay naitutulak pa nito ang tutuli sa loob ng tenga. Tandaan, huwag na huwag mong ipapasok ang anumang bagay sa tenga mo dahil pwede nitong butasin ang iyong eardrum. Ang eardrum na nabutas na ay hindi na hihilom pa kaya ikaw ay mananatiling bingi sa buong buhay mo kung masira ito.

Ano ang gamot sa nanigas na tutuli? Sundin ang sumusunod na mga hakbang:

  • Patakan ng kaunting mineral o baby oil ang loob ng tenga. Huwag mong gagawin ito kung sa tingin mo ay may butas na ang iyong eardrum.
  • Mahiga ng nakatagilid sa loob ng 20 minuto para lumabot ang tutuli. Gawin ito ng dalawang beses kada araw sa loob ng tatlong araw. Kadalasan, ang tutuli ay lalambot nalang ng kusa.
  • Kung hindi, makipagkita ka sa iyong ENT na doktor na siyang mag aalis ng tutuli.

Swimmer’s Ears

Ang Swimmer’s Ears ay isang mga uri ng sakit sa tenga na sanhi ng impeksyon sa labas na bahagi ng tenga dahil sa bacteria o fungi. Tulad ng pangalan ng sakit na ito, ito ay nakukuha sa pamamagitan ng paglangoy sa maruming tubig. Ang swimmer’s ear ay magsisimula sa pangangati ng panglabas na bahagi, at susundan ng pananakit ng tenga. Habang tumatagal, magkakaroon may amoy na likido na lalabas sa tenga. Palatandaan ito ng matinding impeksyon.

Paano mo maiiwasan ang swimmer’s ear?

  • Pumili ng malinis na paliguan
  • Gumamit ng ear plug o pantakip sa tenga para hindi mapasok ng tubig ang tenga mo kung ikaw ay lumalangoy.
  • Bago ka lumangoy, patakan ng kaunting baby oil ang magkabilang tenga

Kung meron ka na nito, sumangguni saiyong ENT para makapagriseta siya ng antibiotic bilang gamot sa sakit ng tenga.

Otitis media o luga

Ang otitis media o luga ay isang pangkaraniwang sakit ng mga bata, lalo na kung sila ay may sipon, problema sa sinus o allergy. Ang tubo na kumokonekta sa tenga at ilong ay mas maiksi ngunit mas malapad sa mga bata, kaya ang sipon na nasa ilong ay madaling mapunta sa tenga ng mga bata, na siyang pinagmumulan ng impeksyon.

Ang mga bata na may luga ay magkakaroon ng pananakit ng tenga, lagnat o mahinang pandinig. Sa may seryosong kalagayan, ang eardrum ay pwedeng mabutas kaya lalabas ang madilaw na fluid na nagmumula sa loob ng tenga. Ang mga adulto ay maaari ring magkaroon ng sakit na ito. Ang gamutan sa ganitong uri ng sakit sa tenga ay pito hanggang sampung araw ng pag inom ng antibiotic.

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?

Iba’t ibang Mga Uri ng Sakit sa Tenga na Karaniwan sa Mga Pinoy
5 (100%) 1 vote