Gamot sa UTI: Sanhi, Sintomas at Lunas!

ano ang gamot sa UTI
Reading Time: 7 minutes

Kung ikaw ay babae, mataas ang posibilidad na ikaw ay magkaroon ng UTI o urinary tract infection. Ayon sa mga dalubhasa, halos kalahati sa mga kababaihan ay maaaring magkaroon ng UTI, ang iba sa kanila ay pwedeng magkaroon ng pabalik-balik na impeksyon sa loob ng ilang taon.

Ang artikulong ito ay tatalakay sa kung ano ang gamot sa UTI at kung paano makakaiwas na magkaroon nito.

Tingnan ang mga sumusunod na sintomas, baka UTI ang sakit mo kung nakakaranas ka ng:

    • Mahapding pakiramdam kapag umiihi
    • Madalas at matinding kagustuhang umihi, pero kakaunting ihi lang naman ang lumalabas
    • Sakit at pressure sa ibabang bahagi ng likod at tiyan
    • Malabo, may kahalong dugo at mabahong ihi
  • Lagnat, kapag ang impeksyon ay nakaabot na sa kidney

Ang urinary tract infection ay sanhi ng mga mikrobyo, kadalasan ay bacteria. Alam mo ba na may iba’t ibang uri ng UTI? Ito ay maaaring uriin depende sa kung aling parte ng urinary tract ang inaatake ng impeksyon.

Alin sa mga uring ito ng UTI ang tumama sa iyo?

Urethritis – Uri ng UTI kapag ang impeksyon ay nasa urethra

Cystitis – Ang impeksyon ay nasa pantog o bladder

Pyelonephritis – Ang impeksyon ay nasa mismong bato o kidney ng pasyente

Vaginitis – Ang impeksyon ay nasa pwerta ng pasyente

sanhi ng UTI

Ang UTI ay ang siyang pangunahing dahilan kung bakit kailangang maghugas mula sa harap hanggang sa likod ng ari matapos magbanyo. Iyan ay dahil sa ang urethra, ang tubo na daanan ng ihi galing sa pantog palabas ng katawan ay nakapwesto malapit sa puwet. Ang bacteria na nanggagaling sa sikmura, tulad ng E. coli, ay nasa tamang posisyon sa puwet para mapunta sa urethra. Galing diyan ay maaari itong makapunta sa pantog, at kapag hindi nagamot ang impeksyon, magpapatuloy ito hanggang sa kidney.

Ang mga kababaihan ay mas nakahantad sa pagkakaroon ng UTI dahil sa mas maiksing urethra, na nagiging dahilan ng mas madaling pagkapit ng bacteria sa pantog. Ang pakikipagtalik ay maaari ring maging dahilan ng pagkakaroon ng UTI.

Ano ang gamot sa UTI?

Kung sa tingin mo ay may UTI ka, kailangan mong magpatingin sa doktor. Susuriin sa laboratoryo ang ihi mo para makita kung ito ba ay may bacteria na siyang sanhi ng UTI.

Ano ang gamot sa UTI? Antibiotic para puksain ang mga mikrobyo! Pero tulad ng alam mon a, dapat na tapusin mo ang pag inom ng antibiotic na iriniseta ng doktor mo, kahit sa tingin mo ay magaling ka na.

Sasabihan ka ng doktor na uminom ng maraming tubig, higit pa sa dati mong iniinom para maalis ang bacteria sa daanan ng iyong ihi.

Baka magreseta rin ang doktor ng gamot para maibsan ang pananakit na dala ng impeksyon .

Ang pag-inom ng natural na mga diuretics tulad ng buko juice ay makakatulong din upang mapalabas ang bacteria sa katawan. Ang regular na pag-inom nito at ng tubig araw-araw ay makatutulong na mapababa ang posibilidad na magpabalik-balik ang UTI.

Pabalik-balik na UTI

Isa sa limang babae ang sinasabing nakakaranas ng pabalik-balik na impeksyon sa daanan ng ihi. Sa kadalasan, ibang uri ng bacteria ang dumadapo sa sususnod na mga pagkakataon. Ang ilang uri ng bacteria ay may kakayahang pumasok sa mga selula ng katawan at magparami na hindi naaapektuhan ng antibiotics at immune system. Ang grupo ng mga bacteria na ito ay maaaring lumabas sa selula na ginawa nilang pugad at humawa sa iba pang malulusog na selula. Iyan ang dahilan kung bakit nakapagpaparami ng husto ang mga bacteria at madaling bumabalik ang UTI ng paulit-ulit

May mga babaeng namana ang pagiging madaling makakuha ng UTI samantalang may iba naman na mas maiksi o abnormal ang hugis ng urinary tract kaya mas madaling kapitan ng impeksyon. Ang mga babaeng may diabetes ay may mas mataas na posibilidad na magkaroon din ng pabalik-balik na impeksyon, dahil sa mahinang immune system na sanhi ng diabetes.

Ano nga ba ang gamot sa pabalik-balik na UTI? Kung ikaw ay nagkakaroon ng impeksyon tatlong beses bawat taon, dapat na magpatingin ka sa doktor para mapag-usapan ninyo ang gamutang nababagay sa iyo.

Narito ang ilan sa mga maaaring irekomenda ng doktor para gamutin ang pabalik-balik na impeksyon:

    • Pag-inom ng low dose ng antibiotic sa loob ng mas mahabang panahon para makaiwas sa pagbabalik ng impeksyon
    • Pag-inom ng antibiotic isa o dalawang araw matapos na makaramdam ng sintomas ng UTI
  • Paggamit ng home test kit para sa UTI kapag maramdaman mo ang sintomas ng impeksyon

Ang home test kit na ito ay mabibili sa mga botika kahit na walang reseta. Makakatulong ito sa iyo na matukoy kung kailangan mo na bang magpatingin sa doktor. Kung umiinom ka ng antibiotic, makakatulong sa iyo ang test kit para malaman kung umeepekto nga ba ang gamot, sa muli tandaan na kailangan mong tapusin ang pag inom mo ng gamot. Bumalik sa doktor para sa follow-up checkup kahit na sa tingin mo ay epektibo ang gamot na iniinom mo at magaling ka na sa sakit.

Narito ang ilang mga pamamaraan kung paano gagamutin ang urinary tract infection nang hindi umiinom ng antibiotic o iba pang komersyal na gamot. Ang ilan sa mga ito ay sinusuportahan ng mga pag-aaral ng mga dalubhasa, ang iba naman ay bahagi na ng tradisyunal na paraan ng paggamot na ginagamit na sa loob ng ilang libong taon.

Uminom ng maraming tubig

ang pag-inom ng tubig ay gamot sa UTI
Ang pag-inom ng maraming tubig ay gamot sa UTI

Ang pag-inom ng maraming tubig ay nakatutulong upang malunasan ang UTI. Ito na siguro ang pinakamabisa ngunit pinakasimpleng paraan Upang labanan ang UTI.

Ang tubig ay nakatutulong upang mahugasan ang daanan ng ihi habang napapanatili ang mahahalang nutrients at electrolytes.

Ang pag-inom ng tubig ay magpaparami sa ihi at magpapabilis sa paglabas nito. Dahil diyan mawawalan ng oras at pagkakataon ang mga bacteria na makapagparami at maging sanhi ng impeksyon.

Gaano karaming tubig ang dapat na inumin? Wala namang eksaktong bilang ng baso ng tubig na dapat inumin ng isang taong may UTI, dahil sa iba-iba naman ang pangangailangan ng bawat tao. Pero sa katamtaman, kailangan uminom ng at least walong baso ng tubig araw-araw para maging ligtas sa pagkakaroon ng UTI.

Umihi agad

Ang madalas  na pag-ihi ay nakatutulong upang maalis agad ang bacteria na nagpaparami sa urinary tract.

Nababawasan ng pag-ihi agad ang panahon ng bacteria na makapagparami sa daanan ng ihi kaya nababawasan ang posibilidad na magkaroon ng impeksyon.

Ugaliing umihi agad kapag nakakaramdam ka na kailangan mong umihi para makaiwas ka sa impeksyon at magamot ang UTI.

Gumamit ng probiotics

halamang gamot sa UTIAng probiotics o good bacteria ay makakatulong na mapanatiling malusog ang daanan ng ihi at makaiwas sa pagkakaroon ng impeksyon.

Ang lactobacilli ay makakatulong sa paggamot at pag-iwas sa UTI dahil:

    • Dumidikit sila sa mga selula ng urinary tract kaya napoprotektahan ito laban sa mapanirang mga bacteria
    • Nagpapalabas sila ng hydrogen peroxide (agua oxinada) at humahalo sa ihi; ito ay isang matinding antibacterial
  • Pinapababa nila ang pH ng ihi, kaya nagiging hindi ito paborable sa pagpaparami ng mga mikrobyo.

Ang mga taong umiinom ng lactobacillus supplement habang umiinom ng antibiotic para sa UTI ay hindi masyadong nagkakaroon ng antibiotic resistance kumpara sa mga taong hindi umiinom ng probiotics.

Pwede kang makakuha ng probiotics sa pamamagitan ng pag-inom ng yogurt tulad ng Yakult.

Pwede ka namang bumili ng probiotic supplement sa botika, kadalasan ito ay nasa powder form at kailangang ihalo sa tubig o sa iba pang mga inumin.

Kumuha ng maraming Vitamin C

Ang vitamin C ay isang antioxidant na nakatutulong upang mapalakas ang immune system.

Ang vitamin C ay humahalo sa ihi para makabuo ng nitrogen oxide na lason para sa mga bacteria. Napapababa rin nito ang pH ng ihi, na siyang dahilan na maging mahirap para sa mga bacteria ang mabuhay sa daanan ng ihi.

Maghugas mula harap papuntang likod

Maraming kaso ang kaso ng impeksyon na nagmumula sa bacteria na nasa puwet subalit napupunta sa urethra, ang mismong daanan ng ihi.

Kapag nasa urethra na ang bacteria, madali na lamang itong mapupunta sa mga bahagi ng daanan nang ihi at saka magpaparami. Ito ang sanhi ng karamihan sa mga kaso ng UTI.

Kaya pagkatapos umihi, maghugas sa paraang hindi makakapasok ang bacteria sa ari. Gumamit ka ng magkaibang toilet paper kapag nagpupunas ka sa puwet at ari.

Malinis na sekswal na mga kaugalian

Ang pagtatalik ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagpasok ng mga mikrobyo sa katawan, lalo na sa daanan ng ihi. Ang pagpapanatili ng malusog na mga kaugalian sa pakikipagtalik ay tutulong sa iyo na makaiwas sa pagkakaroon ng UTI.

Narito ang mga tips para makaiwas sa UTI na dala ng pakikipagtalik:

    • Umihi bago at pagkatapos makipagtalik
    • Gumamit ng condom
    • Maghugas ng ari bago at pagkatapos makipagtalik
  • Sabihin sa katalik na ikaw ay may UTI o dati nang nagkaroon ng UTI

Sa kasalukuyan, ang mga siyentipiko ay gumagawa ng bakuna para hindi na makapamahay pa ang mga bacteria sa mga selula ng katawan ng tao.

Gumagawa rin sila ng mga pag-aaral sa bakuna laban sa UTI na hahadlang sa mga bacteria na makapagparami at maging sanhi ng impeksyon. Sa ngayon, nagsisimula nang sumailalim ang bakunang ito sa human trials, at hindi magtatagal ay magagamit na rin ito sa komersyal na paraan.

Maiiwasan mo ang pagpabalik-balik ng UTI kung susundin mo ang mga tips na ito:

    • Dalasan ang pag-ihi, huwag mag madali, tiyaking nauubos ang ihi sa pantog
    • Maghugas o magpunas mula harap papuntang likod
    • Uminom ng maraming tubig araw-araw
    • Gumamit ng shower sa pagpapaligo
    • Hugasan ang ari bago at pagkatapos makipagtalik
    • Umihi bago at pagkatapos makipagtalik para mailabas mo ang mga bacteria sa urethra
    • Gumamit ng condom kapag nakikipagtalik
  • Panatilihing tuyo ang ari sa pamamagitan ng pagsusuot ng maluluwang na underwear

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?

Gamot sa UTI: Sanhi, Sintomas at Lunas!
5 (100%) 1 vote