Gamot sa Pigsa: Dahilan, Sintomas, at Natural na Lunas!

ano ang gamot sa pigsa
Reading Time: 7 minutes

Ang pigsa ay maga o bukol sa balat na namumula at maaaring maging napakasakit. Ang pigsa ay maaaring dulot ng bacteria. Ang mikrobyo na kadalasang sanhi ng pigsa ay ang staphylococcus aureus.

Sa pagdaan ng ilang araw, ang namumulang pigsa ay mapupuno ng nana. Ito ay kadalasang tumutubo sa hair follicles na nagkaroon ng impeksyon. Pero ang pigsa ay maaaring tumubo kahit saan sa katawan.

Ang mga bahaging ito ng katawan ay mas pinagpapawisan o kaya ay may isang partikular na iritasyon. Ang sobrang pawis at iritasyon ay perpektong kumbinasyon para tumubo at lumala ang pigsa.

Ang mga pigsa na tumubong sabay-sabay ay tinatawag na carbuncle.

Sa pagsisimula, ang pigsa ay kasing liit lamang ng ulo ng aspile. Subalit habang ito ay napupuno ng nana, ito ay mas lalaki at magiging mas masakit. Ang balat sa palibot ng pigsa ay mamumula rin at mamaga. Ang pinakagitnang bahagi ng pigsa ay tinutubuan ng mata, na kadalasan ay kulay dilaw.

Paglipas ng ilang araw, ang mata ng pigsa ay magsisimulang magpalabas ng nana. Baka magkaroon ka rin ng lagnat at malamang na hindi ka maging komportable kapag meron ka nito.  

sanhi ng pigsa

Karamihan sa mga pigsa ay sanhi ng mikrobyo na staphylococcal bacteria. Ang mikrobyong ito ay nakakapasok sa katawan sa pamamagitan ng maliliit na sugat sa balat o kaya ay kumakapit sa buhok papuntang hair follicles.

Ang mga sumusunod na kundisyon ay maaari ring maging dahilan ng pagkakaroon ng pigsa:

    • Sakit sa immune system
    • Malnutrisyon
    • Kakulangan sa kalinisan sa katawan
  • Pagkahantad sa mapaminsalang mga kemikal

sintomas ng pigsa

Ang pigsa ay nag-uumpisa bilang matigas, mapula at masakit na bukol na mga kalahating pulgada ang laki. Sa susunod na mga araw, ang bukol ay magiging mas malambot, malaki, at masakit. Pagkatapos nito, magkakaroon ng mata ang pigsa sa ibabaw nito.

Narito ang mga sintomas ng pagkakaroon ng malalang impeksyon:

    • Ang balat sa palibot ng pigsa ay nagkakaroon rin ng impeksyon. Mamumula ito, magiging masakit, mainit at namamaga.
    • May iba pang mga pigsa na tutubo sa palibot ng nauna
  • Baka magkaroon ka rin ng kulani

Narito ang mga uri ng pigsa ng pigsa na maaaring tumubo kahit saan sa katawan mo.

Carbuncle. Ang carbuncle ay isang uri ng pigsa na sanhi ng bacteria na Staphylococcus aureus. Ito ay nabubuo sa grupo ng mga hair follicles kaya ito ay mas malaki kumpara sa ordinaryong pigsa. Ang carbuncle ay malamang na magkaroon ng isa o higit pang mga mata. Baka magkaroon ka ng lagnat at kapag mayroon ka nito.

Cystic Acne. Ang cystic acne ay mas malamim na nakaugat sa skin tissue kumpara sa ordinaryong tagyawat. Ito ay nabubuo kapag ang oil ducts ng balat ay nababarahan ay namamaga. Ito ay madalas na tumubo sa mukha at kadalasang nararanasan ng mga teenager.

Hidradenitis Suppurativa. Ang pigsang ito ay tumutubo kadalasan sa kili-kili at sa singit. Kadalasan ay tutubo ito ng sama-sama. Ito ay resulta ng pamamaga ng hair follicles. Ang ganitong uri ng pigsa ay hindi basta-basta nagagamot ng antibiotic at nangangailangan ng operasyon para maalis ang hair follicles na sanhi ng pamamaga.

Kuliti. Ang kuliti ay isang malambot at mapulang bukol sa ibaba ng pilik-mata o sa loob ng talukap. Ito ay sanhi ng pamamaga ng mga gland o hair follicles na nasa talukap. Ito ay maaaring masakit at makaapekto sa pang-araw araw na mga gawain.

ano ang gamot sa pigsa

Pag-usapan natin ngayong kung ano ang gamot sa maliliit at malalaking pigsa. Tatalakayin din natin ang natural na lunas sa pigsa na maaari mong gawin sa bahay.

Gamot sa maliliit na pigsa

Ang maliliit na pigsa ay maaaring gamutin kahit nasa bahay lamang. Ang ganitong mga kaso ng pigsa ay maaaring gumaling sa loob ng ilang araw hanggang tatlong linggo.

Narito ang ilang tips para gumaling agad ang pigsa:

    • Huwag mong susubukang tirisin ang pigsa. Maaaring kumalat ang impeksyon kapag pinisa mo ito. Tataas din ang posibilidad na magkaroon ka ng secondary infection kapag ginawa mo ito.
    • Dampian ng maligamgam na basing towel ang pigsa ilang ulit sa loob ng maghapon
    • Diinan ng kaunti kapag dinadampian mo ng basing towel ang pigsa, pero tiyakin na hindi ito mapipisa.
    • Kapag napisa na ng kusa ang pigsa, patuloy mo pa rin itong takpan ng malinis na tela o gasa. Tulong ito para maiwasan na humawa pa ang impeksyon sa ibang parte ng balat.
  • Maghugas ng kamay bago at pagkatapos na hawakan ang pigsa. Makakatulong din ito na maiwasan ang pagkalat ng impeksyon.

Gamot sa malalaking pigsa 

Kung ikaw ay may malaking pigsa o grupo ng mga pigsa, kailangan mong makipagkita sa doktor mo para gamutin ito. Siya lamang ang may kakayahang pumisa ng malalaking pigsa na tulad ng pigsa mo.

Kung minsan, ang malalaking pigsa ay nagiging malambot pero hindi kusang napipisa. Ito ay kailangan mo ring ipatingin sa doktor. Siya na ang bahalang bumutas sa pigsa mo.

Sa ilang mga pagkakataon, baka kailangang magreseta si dok ng antibilotics para mapadali ang paggaling ng impeksyon. Ito ay makatutulong lalo na sa mga pigsang tumubo sa mukha, dahil ang ganitong mga kaso ay may mataas na panganib na magkaroon ng kumplikasyon tulad ng secondary infection at pagkakaroon ng peklat.

Ano ang dapat gawin sa pabalik-balik na pigsa?

Kung pabalik-balik ang pigsa mo halimbawa at tatlong beses taon-taon, malamang na may recurrent furunculosis ka. Ito ay isang uri ng pigsa na mabilis makahawa, lalo na sa mga kapamilya mo dahil sa ito ay pabalik-balik.

Kadalasan, ang recurrent furunculosis ay tumutubo sa mga bahagi ng katawan naiipit tulad ng sa ilalim ng suso, ilalim ng tiyan, kili-kili at singit.

Ang recurrent furunculosis ay hindi maaaring i-self medicate! Magpatingin ka sa doktor kung sa tingin mo ay meron ka nito.

6 Natural na mga lunas sa pigsa

Narito ang 6 natural na lunas sa pigsa na maaari mong isagawa sa bahay, nang hindi na kailangan ang reseta ng doktor:

Maglagay ng init sa pigsa

Ang init ay nagpapabilis ng serkulasyon ng dugo sa alin mang bahagi ng katawan na naiinitan, na siyang dahilan ng pagdami ng white blood cells at antibodies na lumalaban sa impeksyon. Kaya ang paglalagay ng init sa pigsa ay isa sa pinakamabisang natural na paraan na gamot sa pigsa na maaari mong gamitin.

Maglagay ng hot compress sa apektadong bahagi at hayaan ito sa loob ng 20 minuto. Gawin ito ng tatlo o apat na ulit araw-araw hanggang sa tuluyang mawala ang pigsa.

Gumamit ng tea tree oil

Ang tea tree oil ay nagtataglay ng malakas na antibacterial at antiseptic properties, na nakakatulong na gamutin ang impeksyon na siyang sanhi ng pigsa. Ang tea tree oil ay hindi dapat direktang ilagay sa balat dahil malamang na masunog nito ang balat mo.

Maghalo ng limang patak ng tea tree oil sa isang kutsara ng coconut oil. Ilagay ito sa cotton swab at ipahid sa pigsa dalawa o tatlong beses bawat araw. Gawin ito hanggang sa gumaling na ang pigsa.

Turmeric powder para sa pigsa

Ang turmeric powder ay nagtataglay kapwa ng antibacterial at anti-inflammatory properties, na nakapapagaling sa pigsa ng mabilis. Ang turmeric powder ay matagal nang ginagamit bilang panlinis ng dugo sa kanluraning medisina sa loob na ng ilang libong taon.

Maaari kang mamili kung kakainin mo ito, o ilalagay mo sa ibabaw ng pigsa, o pareho! Ihalo ang isang kutsara ng turmeric powder sa isang baso ng tubig o gatas at inumin ito. Para naman gamitin bilang pamahid, gumawa ng turmeric paste sa pamamagitan ng paghalo ng turmeric powder sa tubig, at ilagay ito sa pigsa ng dalawang beses bawat araw.

Asin: gamot sa pigsa

Ang asin ay kilala sa mga pakinabang nito sa katawan ng tao. Alam mo ba na ito ay maaari ring gawing lunas sa pigsa? Ang asin ay nakatutulong na matuyo ang nana, dahilan  upang lumiit ang pigsa.

Magtunaw ng asin sa mainit na tubig at basain ang compress. Ilagay ang compress sa apektadong bahagi sa loob ng 20 minuto. Gawin ito ng tatlong beses araw-araw hanggang sa mawala ang pigsa.

Mga ointment na over the counter

Mukhang hindi ka magkakamali kung gagamit ka ng over the counter na ointment para sa pigsa. Karamihan sa mga ito ay mabilis umipekto at nakatutulong pa para mabawasan ang pananakit na dala ng pigsa. Maglagay ng antibiotic ointment dalawang beses kada araw hanggang sa mawala ang pigsa.

Magtanong sa botika kung anong brang ng ointment ang para sa pigsa.

Castor oil, gamot sa pigsa

Ang castor oil ay nagtataglay ng ricinoleic acid na isang natural na gamot laban sa pamamaga. Ito, kasama na ang kakayahan nitong pumatay ng mga mikrobyo ay siyang dahilan kung bakit mabisa ang castor oil na natural na lunas sa pigsa.

Lagyan ng kaunting patak ng castor ang pigsa tatlong ulit bawat araw hanggang sa ito ay lubusan nang mawala.

Kailan ba dapat magpatingin sa doktor?

Kung minsan, ang mga paraan na nabanggit natin ay hindi umiipekto sa pigsa. Kailangan mong makipagkita sa doktor kapag:

    • Ang pigsa ay patuloy pa rin sa paglaki sa kabila ng natural na lunas
    • Isang linggo na mahigit ang pigsa sa kabila ng home remedies
    • Ang pigsa ay kasing laki na ng pingpong balls
    • Ang balat sa palibot ng pigsa ay mapulang mapula na
    • Ito ay masakit na masakit
    • May iba pang bukol na tumutubo sa palibot ng pigsa
    • Pabalik-balik ang pigsa sa loob na ng ilang buwan
  • May diabetes ka

Hindi mo maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng pigsa. Pero, maiiwasan mong kumalat ang pigsa sa iba pang bahagi ng katawan mo, sa pamamagitan ng mga sumusunod na tips:

Patilihing natatakpan ng malinis na tela o gasa ang pigsa sa lahat ng panahon.

Maghugas ng mabuti gamit ang sabon sa tuwing mahahawakan  mo ang pigsa. Linisin mo rin ito ng regular.

Kung may pigsa ka, ang pagpapanatiling malinis ng mga damit mo at higaan sa pamamagitan ng regular na paglalaba ng mga ito. Labahan ang mg damit mo gamit ang mainit na tubig. Magdagdag ng bleach sa sabon na ginagamit mo.  

Iwasan ang paghiram at pagpapahiram ng mga personal na gamit tulad ng pang-ahit, tuwalya, sapatos at iba pa.

Mga kumplikasyon na dala ng pigsa

Kaunti lang naman ang kilalang mga kumplikasyon ng pigsa, kasama diyan ang peklat bilang pangunahing kumplikasyon ng sakit na ito.

Ang isa pang kumplikasyon ng pagkakaroon ng pigsa ay ang tindesya nitong magpabalik-balik, na kung tawagin ay recurrent furunculosis.

May mga tao na may sakit na hidradenitis suppurativa.  Ang mga sintomas ng sakit na ito ay katulad ng sa pabalik-balik na pigsa, pero mas seryosong sakit ang hidradenitis suppurativa. Ito ay maaaring mauwi sa pamemeklat at paglala kung ito ay hindi matutukoy at magagamot agad.

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?