Search

Mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pananakit ng Balakang

Mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pananakit ng Balakang

Problema mo ba ang pananakit ng iyong balakang? Tulad ng iba pang pang matagalang pananakit o chronic pain, ang pananakit ng balakang ay mas madalas na maranasan ng mga babae kaysa sa mga lalaki. Subalit dahil sa ang pananakit ng balakang ay malamang na sanhi ng iba’t ibang mga dahilan, ang pag alam ng pinaka pinanggagalingan ng sakit ay siyang susi sa gamot sa pananakit ng balakang.

Pagsusuri sa pananakit ng balakang

Kapag ikaw ay dumadalaw sa iyong doktor para isangguni ang iyong mga nararamdaman sa balakang, ang unang gagawin ng doktor ay ang kumpirmahin kung pananakit nga ba ng balakang ang kanyang nararamdaman. May mga pasyenteng nag sasabi na sila ay may sakit na nararamdaman sa balakang ngunit ang ibig sabihin pala nila ay masakit ang kanilang likod o lower back. Ang pananakit sa balakang ay nararamdaman sa mismong lokasyong matatagpuan ang tinatawag na hip joint, o kasukasuan sa may balakang.

Mga dahilan ng pananakit ng balakang

Kapag ang isang pasyente ay lumapit sa doktor para patingnan ang kanyang masakit na balakang, ikokonsidera niya ang edad ng pasyente, laki ng pangangatawan at pang araw-araw na mga gawain. Kapag ang pasyente ay 20 taong gulang, payat at isang atleta, siguradong magiging iba ang kanyang rekomendasyon sa isang 80 taong gulang, mataba at halos hindi na makakilos na lola.

Narito ang ilan lamang sa pangunahing mga dahilan ng pananakit ng balakang, lalo na sa mga kababaihan:

Artritis. Ang artritis ang isa sa pangunahing mga dahilan ng pang matagalang pananakit ng balakang sa mga kababaihan, partikular na ang osteoarthritis. Ang osteoarthritis ay sakit na dala ng wear and tear o resulta ng pagtanda ng mga tao. Ang ball at socket sa kasukasuan ay nag sisimula nang masira dahil sa pag tanda. Ang sakit na dala ng artritis ay kadalasang nararamdaman sa harap ng iyong balakang, dahil sa paninigas o pamamaga ng kasukasuan.

Pinsala sa balakang. Ang fracture o pinsala sa balakang ay mas madalas sa mga matatanda na lalo na sa mga taong may osteoporosis, o ang unti-unting pag nipis ng mga materyal sa mga buto. Ang mga sintomas ng pinsala sa balakang ay ang matinding pananakit kapag ikaw nag uunat-unat, bumubuhat ng mabigat, o tumayo ng tuwid.

Tindinitis o bursitis. Ang mga kalamnan ay ikinokonekta ng mga tendons sa kasukasuan. Ang mga tendon ay madaling mamaga kapag nasobrahan ng gamit, lalo na kung ikaw ay gumawa ng nakakapagod na mga aktibidad. Ang isa sa pinaka pangunahing sanhi ng tendinitis, lalo na sa mga atleta ay ang iliotibial band syndrome – ang iliotibial band ay isang makapal na tissue na nakalagay sa iyong balakang papuntang tuhod.

Ang isa pang dahilan ng pananakit ng balakang ay ang bursitis. Ang bursae ay isang supot na puno ng likido. Ito ay parang shock absorber sa mga buto. Ang bursae, katulad din ng mga tendon ay madaling mamaga dahil sa iritasyon o sobrang paggamit at kadalasang nagiging sanhi ng pananakit kapag iginagalaw mo ang iyong balakang.

Hernia o luslos. Alam mo ba na ang luslos ay maaari ding tumubo sa may bandang tagiliran ng iyong balakang? Ito ay tinatawag na femoral o inguinal hernia, isang klase ng luslos na sanhi ng pagkakaroon ng karagdagan pressure sa tiyan. Ang luslos na ito ay mas madalas sa mga buntis. Ito ay maaari ring magdulot ng matinding pananakit sa balakang.

Mga problema sa likod at sistemang reproductive. Malamang na ang pananakit ng balakang ng mga kababaihan ay sanhi ng mga problemang gynecological. Ayon sa mga dalubhasa, importanteng huwag isiping ang pananakit ng balakang ng isang babaeng pasyente ay dala lamang ng artritis, bursitis o tendinitis. Depende sa edad at mga sakit na nararamdaman, ang pananakit ng balakang ay malamang na dahil sa sakit ng mga organo sa loob ng katawan.

Endometriosis ang tawag sa sakit na sanhi ng maling pag develop ng lining matris. Ito ay maaaring maging dahilan ng iyong sakit sa balakang. Ang sakit na maaari mong maramdaman kapag ikaw ay may endometriosis ay katulad may naipit na ugat sa likod mo. Ang sakit ay maaari mong maramdaman mula sa likod hanggang sa mga binti.

Gamot sa pananakit ng balakang

Ang gamot sa pananakit ng balakang ay depende sa kung ano ang makikitang sanhi ng naturang pananakit. Kung ang pananakit ay dahil sa sobrang paggamit o pinsala dahil sa isports, ito ay maaaring gamutin ng heat treatment, pahinga, at over the counter na mga gamot para sa pamamaga. Para maiwasan ang mga pinsala, kailangang mag-stretching muna bago mag ehersisyo, mag suot ng tamang damit at gumamit ng maayos na sapatos lalo na kung ikaw ay tatakbo.

Kung isang partikular na gawain o sobrang paggamit ng mga kalamnan ang nagiging sanhi ng iyong pananakit, itingil mo ang mga gawaing iyan at makipag-usap sa doktor. Ang sobrang timbang ay maaari ring makadagdag sa pressure sa balakang mo, kaya ang pag babawas ng timbang ay tulong para mabawasan ang pananakit na iyong nararamdaman. Kung ikaw ay may pananakit ng balakang na sanhi ng luslos o hernia, baka kailangan mong operahin para maalis ang pananakit. Kapag ang masakit na balakang ay magpatuloy, kailangan mong makipag-usap sa doktor para sa posibleng mga sanhi at lunas.

Ang pananakit ng balakang ay maaari ring palatandaan ng sakit sa bato. Kung ikaw ay nakakaranas ng pananakit ng balakang o sa may bandang ibabang bahagi ng likod at kasalukuyang nahihirapan sa pag-ihi, mag patingin ka agad sa doktor mo. May ilang mga pasyente na sa una ay hindi alam kung bakit ba nanakit ang kanilang likod kaya pinabayaan lamang nila ito. Huli na nang magpatingin sila sa doktor dahil sa hindi na matiis ang sakit. Saka lamang nila madidiskubre na sila pala ay may malala nang sakit sa bato.

Maiiwasan naman ang ganitong karamdaman sa pamamagitan ng pag papanatili ng malusog na pamumuhay. Kung ikaw ay ksalukuyang malakas uminom o manigarilyo, baka panahon na para itigil na ito. Kung ikaw ay mahinang uminom ng tubig, doblehin o triplehin mo na ang iyong paginom ng tubig lalo na kung mainit ang panahon. Mahalaga rin ang pag kakaroon ng sapat na pahinga para malabanan ang mga sanhi ng pananakit ng balakang.

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?

Mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pananakit ng Balakang
4.2 (83.64%) 22 votes